PANAWAGAN PARA SA PAG-AMYENDA NG RTL, LALONG UMIGTING SA GITNA NG BAGSAK PRESYO NG PALAY

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado at pagbagsak ng presyo ng palay sa mga probinsya, muling nanawagan si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Senado na repasuhin at amyendahan ang Rice Tariffication Law o RTL.

Sa kanyang inihaing resolusyon, iginiit ni Pangilinan ang pangangailangang magsagawa ng komprehensibong pagsusuri sa RTL, partikular sa epekto nito sa kabuhayan ng mga magsasaka at sa kakayahan ng gobyerno lalo na ng National Food Authority na manghimasok sa merkado upang mapanatili ang abot-kayang presyo ng bigas.

Ayon sa senador, mahalagang ibalik ang regulatory at market intervention powers ng NFA na tinanggal nang maipasa ang RTL noong 2019.

Sa ganitong paraan, mas matutulungan ang mga magsasaka, mapapalakas ang buffer stock ng bansa tuwing may krisis, at masusugpo ang hoarding at profiteering ng malalaking rice traders.

Para sa mga magsasakang tulad ni Nestor Magtibay ng Zaragoza, Nueva Ecija na 13 taon nang nagbubukid, ramdam na ramdam ang epekto ng RTL.

Ganito rin ang hinaing ni Jojo Santilliana, magsasaka mula sa Santa Rosa, Nueva Ecija. Aniya, lalo silang nalulugi tuwing anihan dahil bagsak ang presyo ng palay habang patuloy ang walang limitasyong pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Sa Nueva Ecija,kasalukuyan ng bumibili ng palay ang pamahalaang panlalawigan upang saluhin ang bigat na dinadala ng mga magsasaka. Ipinahayag ni Governor Aurelio Umali na bibilhin ng lalawigan ang sariwang palay sa presyong P15 kada kilo, mas mataas sa kasalukuyang presyong P8 o mas mababa sa ilang bayan.

Kaugnay nito, bumisita kamakailan si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa lalawigan upang personal na ipakita ang suporta sa programang ito. Ayon sa kanya, ang direktang pagbili ng palay ng pamahalaang panlalawigan ay isang kongkretong halimbawa ng institutional market linkage na itinataguyod sa ilalim ng SAGIP Saka Act o Republic Act No. 11321.

Pinuri rin ni Pangilinan ang Nueva Ecija bilang modelo ng lokal na inisyatibang tunay na nakakapit sa interes ng mga magsasaka.

Habang wala pang konkretong aksyon ang pambansang pamahalaan, nananawagan ang Federation of Free Farmers at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na itakda na ang floor price o minimum buying price ng palay.

Ngunit ayon kay FFF President Leonardo Montemayor, posibleng sa susunod na taon pa ito maisakatuparan dahil kulang pa sa detalye ang panukala.