Inihayag na muli ni President Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pangako sa pagpapanatili ng pagkakaisa at paggalang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa kanyang video message sa ika-sampong anibersaryo ng pagpirma sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), tiniyak ni Marcos sa BARMM ang kanyang paninindigan sa pagtupad sa kanyang pangakong pananatilihin ang inclusivity, at paggalang sa magkakaibang kultura.

Isang dekada na aniya ang nakalilipas, nang magbigay pag-asa sa kapayapaan ang komprehensibong kasunduan sa Bangsamoro.

Ipinagmamalaki ng pangulo na mambabatas pa lamang siya noon nang lumahok siya sa pagbalangkas ng Bangsamoro Basic Law, na kumikilala sa kahalagahan ng inclusivity, at paggalang sa magkakaibang kultura.

Binigyang-diin ng Pangulo na maraming hamon sa paglagda sa CAB ngunit nagpursige umano sila.

Sa ilalim aniya ng kanyang panunungkulan bilang pangulo ay maraming mga makabuluhang pagbabago sa BARMM.

Nagpapatupad na aniya ng mahahalagang batas sa kasalukuyan kaya sinisigurado niyang magkakaroon ng patas na halalan sa 2025, at pinalalakas ang Bangsamoro para sa kanilang maunlad na kinabukasan.

Kapayapaan anang pangulo ang kanyang nais na iwanang pamana, kaya hinihikayat niya ang bawat isa na sama-sama itong isakatuparan.