PANGALAGAAN ANG MGA GURO, MARCHING ORDER NI PANGULONG MARCOS KAY INCOMING DEPED SECRETARY ANGARA

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si incoming DepEd Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara na pangalagaan ang mga guro at tiyakin na mapakakain ng mga ito ang kanilang pamilya.

Ito ang marching order ni Pangulong Marcos kay Angara bilang bagong Kalihim ng Department of Education (DepEd).

Matatandaan na sinabi ni Pangulong Marcos sa naganap na 17th Cabinet Meeting sa Malacañang, na tinanggap ni Angara ang pagiging bagong DepEd Secretary kasunod ng pagbitiw sa pwesto ni Vice President Sara Duterte.

Samantala, ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag na pangalagaan ang mga guro sa sidelines ng pamamahagi ng financial assistance sa Sulu, kung saan tinanong siya ng media kung ang appointment ni Angara sa DepEd ay nangangahulugan ng pagbabago ng mga polisiya sa ahensya.

Sinabi rin ng Pangulong na ipinag-utos niya ang retraining o muling pagsasanay sa mga guro upang kanilang matutunan ang “developments at technological advancements.”

Dagdag pa niya, paiigtingin din ng pamahalaan ang mga feeding programs sa mga paaralan upang matugunan ang stunting problems sa bansa.