Mananatili ang pangalan ng PRMSU o President Ramon Magsaysay State University bilang opisyal na pangalan ng unibersidad.
Ito’y matapos pormal na bawiin ni Zambales 2nd District Representative Doris Maniquiz ang panukalang baguhin ito sa Zambales State University.
Binatikos ang panukalang ito kaya inamin ng mambabatas na nagkaroon siya ng ‘lapse of judgment’ sa kanyang naging desisyon.
Bago bawiin ang panukala, isinulong ng Kongresista ang pagpapalit sa pangalan ng PRMSU upang mas mapalakas ang pagkakakilanlan ng unibersidad bilang pangunahing institusyon ng lalawigan.
Bukod dito, binigyang-diin din niya na ang karamihan sa mga SUCs sa Central Luzon ay nakapangalan sa kanilang mismong geographical location.
Gayunpaman, mas nanaig ang boses ng mga mamamayan na nais panatilihin ang pangalan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay.
Ang pangalan ng PRMSU ay balak sanang palitan matapos ibatay sa survey kung saan may mga estudyante at alumni na pabor sa pagbabago.
Subalit, nanindigan ang maraming residente at netizens na mas mahalagang bigyang-pugay ang alaala ng tanyag na lider na tubong Zambales.
Dahil sa pag-retract o pagbawi ng mambabatas, mananatili ang pangalan ng unibersidad bilang President Ramon Magsaysay State University.
Samantala, tiniyak naman ng tanggapan ng kongresista na patuloy pa rin ang kanilang suporta sa lahat ng mga satellite campus ng PRMSU.

