PANGANGAMPANYA, ALAK, BAWAL SA OCTOBER 29 AT 30
Mahigpit na ipatutupad ng Commission on Elections sa buong bansa ang liquor ban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Sa ilalim ng COMELEC Resolution No. 10902, mahigpit na ipinagbabawal ang alak mula ika-29 hanggang ika-30 ng Oktubre 2023 bilang bahagi ng paghahanda para sa darating na eleksiyon.
Pansamantalang ipatitigil muna ang anumang uri ng pagbebenta, pag-aalok, pagbili, pagbibigay o pag-inom ng mga nakalalasing na inumin sa bisperas at mismong araw ng halalan.
Ayon kay Atty. Rommel Rama, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Nueva Ecija, bukod sa liquor ban ay ipinagbabawal din ang pangangampanya ng mga kandidato sa mga araw na nabanggit.
Binigyang diin din ni Atty. Rama na bawal ding tumanggap ng pera o bagay ang mga rehistradong botante dahil maituturi itong isang pamamaraan ng vote buying at vote selling.
Dahil dito, hinakayat ng COMELEC-NE ang mga kabataan na magreport ng mga insidente ng paglabag sa BSKE sa pamamagitan ng KontraBigay Complaint Center at iulat ang anumang ilegal na pangangampanya hinggil sa mga ilegal na campaign materials sa anti-Epal Task Force.
Ang KontraBigay Complaint Center ay itinatag ng COMELEC katuwang ang ibat ibang ahensiya ng gobyerno upang maiwasan ang pagbili at pagbebenta ng boto sa buong bansa.
Sinabi ni COMELEC Nueva Ecija Election Assistant Maria Charisma Bolisay na ang vote buying at vote selling ay paglabag sa eleksiyon na may parusang anim na taong pagkakakulong at iba pang parusa.
Samantala, Ipinaalala rin ni Atty. Rama na kinakailangang magsumite ng Statement of Contribution and Expenditures (SOCEs) ang lahat ng mga lumahok sa 2023 BSKE hanggang November 29, 2023. Dito malalaman kung saan galing ang pondong ginastos ng mga kandidato sa kampanya.
Sa ilalim ng Section 14 ng Republic Act 7166 na sa loob ng 30 araw matapos ang halalan ay kailangang maipasa ito sa mga tanggapan ng Election Officers sa bawat munisipyo o siyudad upang hindi mapatawan ng parusa mula isang libo hanggang sampung libong piso.
Nakasaad din dito na hindi rin umano maaaring gampanan ng mga kandidatong nagwagi ang kanilang tungkulin hanggat hindi nakapagsusumite ng kanilang SOCE.

