PANGANGAMPANYA NG POLITIKO, MAHIGPIT NA IPINAGBAWAL NG DEPED SA GRADUATION RITES NG MGA PAMPUBLIKONG PAARALAN

Inabisuhan ng Department of Education o DepEd ang mga pampublikong paaaralan sa bansa na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdaraos ng electioneering o partisan political activities sa mga graduation at moving-up ceremony para sa school year 2024-2025.

Bahagi ito ng kanilang patakaran upang mapanatili ang neutrality para sa nalalapit na National and Local Elections 2025.

Sa inilabas na memorandum ni Education Secretary Sonny Angara, pinaalalahanan ang lahat ng DepEd officials, school principals, guro o non-teaching personnel na huwag makilahok sa anumang aktibidad na pampolitika alinsunod sa mga umiiral na polisiya. Ang sinumang lalabag ay maaring mapatawan ng parusa.

Ang mga polisiyang ito ay nakasaad sa Department Order 48 s. 2018 tungkol sa “Prohibition on Electioneering and Partisan Political Activity,” at DO 47 s. 2022 tungkol sa “Promotion of Professionalism in the Implementation and Delivery of Basic Education Programs and Services, and its amendments through DO 49 s. 2022.”

Ipinaalala rin ng DepEd na gawing simple pero makabuluhan ang mga graduation at moving-up ceremony. Mahigpit ding ipinagbabawal ang labis na paniningil sa mga mag-aaral dahil ang mga gastusin at moving-up rites ay dapat umano na manggaling sa school’s Maintenance and Other Operating expenses o MOOE.

Samantala, itinakda ng DepEd ang pagtatapos ng taon sa April 14 and 15 para sa Kindergarten, Grade 6, Grade 10, Grade 12 at mga mag-aaral ng ALS.