PANGARAP NA SERVICE VEHICLE NG BARANGAY CRUZ ROJA, TINUPAD NG KAPITOLYO
Itinuturing ng mga residente at opisyal ng Barangay Cruz Roja sa Cabanatuan City na isang katuparan ng kanilang matagal nang pangarap ang pagkakaloob sa kanila ng Kapitolyo ng isang service vehicle.
Ayon sa namumuno sa barangay na si Kapitan Felipe Ariza, kanilang natanggap ang sasakyan noong Agosto matapos siyang magsumite ng kahilingan sa Kapitolyo.
Sinabi ni Kapitan Felipe na ang service vehicle ay malaking tulong lalo na kapag may mga emergency na nangangailangan ng mabilisang transportasyon.
Dagdag pa niya, bukod sa paggamit para sa mga medikal na pangangailangan, nagagamit din ito ng simbahan, paaralan, at iba pang institusyon sa barangay na nangangailangan ng sasakyan.
Binigyang-diin din ni Kapitan na ang service vehicle ay hindi ginagamit para sa personal na interes, kundi para lamang sa mga mahahalagang pangangailangan ng komunidad.
Malaki rin ang naging pasasalamat ng barangay sa Kapitolyo, dahil sa agarang pagtugon sa kanilang hiling, na makakatulong sa mga mamamayan nito.

