PANGHABANG BUHAY NA TULONG, IPAGKAKALOOB SA PAMILYA NG MGA PINOY NA NASAWI SA ISRAEL
Inihayag ni Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na pagkakalooban ng panghabang buhay na tulong pinansyal ng Israel Government ang mga naulilang pamilya ng apat na Pilipinong nasawi sa pag-atake ng Hamas sa Israel.
Personal na nakiramay si Israeli Ambassador Fluss sa lamay ni Paul Calvesti na taga Pampanga na ibinurol sa Valle Cruz, Cabanatuan City kung saan nakatira ang kanyang asawa.
Sinabi ni Fluss na tatanggap ng $2, 000 o may katumbas na Php100, 000 kada buwan na allowance mula sa Israel Government ang pamilya ni Paul at tatlo pang Pilipinong biktima.
Sa paglaki naman ng bagong panganak na anak ni Paul ay sinabi ni Fluss na tatanggap din ito ng suporta mula sa Israel para sa kanyang pag-aaral, kalusugan at iba pang pangangailangan sa hinaharap.
Matapos ang kanyang pakikiramay sa pamilya ni Calvesti ay nagtungo naman si Fluss sa New Capitol sa Palayan City para sa courtesy call na malugod namang sinalubong nina Vice Governor Anthony Umali, Provincial Administrator Alejandro Abesamis at Provincial Tourism Officer Joma San Pedro.
Dito ay ibinahagi ni Fluss ang kanilang 11 months internship program kung saan kada taon aabot sa 550 Pilipino ang kanilang pinapupunta sa Israel upang ituro ang modernong pamamaraan ng pagsasaka.
Nagpahayag naman ng interes si Vice Governor Anthony sa naturang programa bilang Rice Granary of the Philippines ang Nueva Ecija ay nakikita aniya nitong malaki itong oportunidad para mas mapalakas pa ang agrikultura ng lalawigan.
Upang hindi naman masayang ang labing isang buwang pag-aaral ng mga ipadadalang Novo Ecijano doon ay nagmungkahi ang bise gobernador na magkaroon ng kontrata upang ang lahat ng kanilang mga natutunan sa Israel ay maisakatuparan naman sa probinsya.

