PANGULO NG PWD SA BRGY. TAGUMPAY SAN LEONARDO, PINAGKALOOBAN NG KABUHAYANG KABUTE

Kabilang ang Pangulo ng Person with Disability na si Aling Mercy Abelardo Pangilinan ng Barangay Tagumpay San Leonardo Nueva Ecija na biyayaan ng 100 fruit bags ng mushroom.

Kaya bukod sa kanya may mga kabarangay din siya na may mga kapansanan ang nakatanggap ng libreng kabute.

Malaking tulong umano ito sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay dahil bukod sa pang ulam ay mabebenta pa nila ito para pambili ng mga pangangailangan sa kanilang tahanan.

Maliban sa inaasahang kita ay nagiging paborito narin nila itong ulam sa kanilang hapag.

Dahil ang mushroom ay masarap na alternatibo sa karne ng manok o baboy, pwede itong iluto bilang mushroom sisig, mushroom burger, crispy mushroom, ginataang mushroom o tinatawag na Bicol express, at marami pang iba’t ibang pwedeng putahe.

Nang aming kumustahin ang kanyang alagang mga kabute ay nakakuha kagad ito ng halos isang kilo.

Kaya ipinagluto pa niya ang crew ng TV48 ng masarap na Bicol express mushroom with sitaw.

Iginisa niya lamang ito sa bawang at sibuyas, at sinahugan ng dilis, at ang kabute ang nagsilbing karne.

Ang pagkain ng 18 grams ng mushroom bawat araw ay nakakatulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng cancer.

Ayon sa Pennsylvania State University research na ang mga indibidwal na kumakain ng medium size na kabute ay 45% ang tiyansa na hindi magka-cancer kumpara sa hindi kumakain nito.

Kilala ang mushrooms na mayaman sa vitamins, nutrients at antioxidants na nakakatulong rin upang gamutin ang mga lung disease.

Pinaniniwalaan din na ang mga kemikal na nilalaman ng kabute ay nakakatulong upang labanan ang mga sakit sa baga.

Kaya malaking pasasalamat ang kanyang ipinaabot kay Gov. Oyie at kay Vice Governor Doc Anthony Umali sa proyektong libreng kabuhayan na kabute dahil pangunahing makikinabang ang mahihirap na mga Novo Ecijano na walang kakayahang maghanap-buhay partikular na ang mga may kapansanan o PWD.