PANGULONG MARCOS, NANAWAGAN SA MGA HEALTH WORKER NA MANATILI SA PILIPINAS
Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang mga doktor at nurse na manatili at maglingkod sa bansa bilang bahagi ng layunin ng kanyang administrasyon na palakasin ang sistemang pangkalusugan ng Pilipinas.
Ito ang ipinahayag ng pangulo ang sa Ormoc City, Leyte, kasabay ng pamamahagi ng 124 patient transport vehicles o PTVs mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO para sa mga lalawigan sa Eastern Visayas.
Ipinagmalaki rin ng pangulo na sa unang pagkakataon ay mayroon nang nakatalagang doktor sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.
Kasabay nito, tiniyak ni Marcos na madaragdagan pa ang mga PTV na ipamamahagi sa lahat ng 1,642 lungsod at bayan bago matapos ang taon.
Sa ngayon, 1,173 na ang naipamigay at sisimulan na ang ikalawang round ng distribusyon bago matapos ang 2025.
Ang mga ipinamahaging bagong PTV sa mga bayan at lungsod ng Biliran, Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Southern Leyte, at Leyte ay may kasamang stretcher, oxygen tank, blood pressure monitor, at iba pang kagamitang medikal.
Batay sa datos noong 2023 ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA, halos 17,000 health workers ang umalis ng bansa upang magtrabaho sa ibang bansa kung saan karamihan dito ay mga nurse.
Ang kakulangan ng medical staff ay patuloy na hamon sa mga pampublikong ospital ayon sa Department of Health.

