PANGULONG MARCOS, WALANG KINALAMAN SA MGA INIHAING IMPEACHMENT KAY VP SARA AYON KAY EXECUTIVE SECRETARY BERSAMIN
Naglabas ng pahayag si Executive Secretary Lucas P. Bersamin kung saan sinabi nito na ang impeachment complaint na inihain sa House of Representatives ng ilang pribadong mamamayan ay malinaw na independiyenteng inisyatiba ng mga nagrereklamo, at ang pag-endorso nito ay karapatan ng sinumang Kinatawan.
Kaya wala umanong kinalaman dito ang Office of the President, at ang naunang pahayag ng Pangulo tungkol sa usaping ito ay maliwanag.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi siya sa pabor sa planong mapatalsik sa puwesto ang pangalawang pangulo dahil hindi makikinabang rito ang mga mamamayan.
Natanggap ng House of Representatives ang unang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte noong December 2, na inihain ng koalisyon ng mga civic organization, na inendorso ni Akbayan Rep. Perci Cendaña.
Habang inendorso naman ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc ang pangalawang impeachment na inihain ng mahigit 70 complainants mula sa iba’t ibang grupo ng civil society, kabilang ang marginalized, labor, peasant, environmental, student and rights organizations.
Pinagtaksilan umano niya ang tiwala ng publiko dahil sa “abuse of discretionary powers” kaugnay sa usapin ng confidential funds, ang pagbalewala sa transparency and accountability, at pagpapabaya sa tungkulin dahil sa hindi pagkilala sa Congressional oversight sa panahon ng budget deliberations.

