PANTAY NA KARAPATAN PARA SA LEHITIMO, ILEHITIMONG ANAK, ISUSULONG SA KONGRESO

Ikinampanya ni Atty. Anel Diaz, ang first nominee ng Pamilya Ko Partylist ang kanilang mga adbokasiya at plataporma na naglalayong bigyan ng proteksyon at Karapatan ang mga itinuturing na hindi tradisyonal na pamilya sa nakaraang campaign rally sa Barangay Bantug, Talavera.

Ang mga itinuturing na hindi tradisyonal na pamilya naman ay mga magkasintahang hindi kasal na nagsasama sa iisang tahanan, kasama rin ang mga magulang na OFW, mga naging biktima ng pangaabuso sa loob ng tahanan, mga inampon o ilehitimong anak sa pamilya, mga pamilyang may pinaghalong anak sa dating relasyon, at mga magulang o magkasintahang parte ng LGBTQIA+. Pumapaloob din ang mga matatanda at mga pamilyang kasama ang ibang kaanak, pati na rin ang mga solo parents.

Salungat sa ikinokonsiderang tradisyonal na pamilya na binubuo lamang ng mga mag-asawang legal na kinasal at may biologikal o ampon na mga anak.

Bilang personal na bahagi ng sektor, inihayag ni Diaz na ayaw niyang may mga pamilyang napagiiwanan.

Ayon kay Diaz ay isa sa mga nais nilang isulong ang pagbibigay ng pantay na karapatan at pag-aalis ng distinsyon sa mga lehitimo at ilehitimong anak.

Dinagdag pa niya ang maaaring aksyon para makapagbigay suporta sa mga matatandang tinataguyod pa rin ang kanilang pamilya.

Tinugunan niya rin ang mga mag-Live in at LGBTQIA+ na magkasintahan sa pagsusulong na bigyan silang karapatan kagaya ng sa mga legal na mag-asawa. Tulad ng karapatang magmana sa isa’t isa, karapatan na pangasiwaan ang ari-arian, at karapatan na magbigay ng mahahalagang desisyong pang-medikal.

Samantala, Si Atty. Anel Diaz ay nag-top 1 sa bar exam noong 2003 at kasabay niyang naibahagi ang pagiging abogado sa pribadong kumpanya, pagtuturo sa iba’t ibang unibersidad at ang kanyang pagtakbo ng walang kaanak sa politika. Aniya ang pagbibigay serbisyo sa publiko ang silbiing nag-udyok sakanyang tumakbo.