PANUKALA NG MMDA NA GAWING 7AM-4PM ANG WORKING HOURS NG GOVERNMENT OFFICES, SUPORTADO NI PBBM UPANG LUMUWAG ANG TRAPIKO

Suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpatupad ng mas maagang oras ng trabaho para sa mga tanggapan ng gobyerno upang maibsan ang pagsisikip ng traffic bago ang planadong rehabilitasyon ng EDSA ngayong taon.

Sagot ng pangulo sa ginanap na Tesla Center launch sa Taguig City nang tanungin tungkol dito ay pinag-aaralan na nila ito at mahalagang konsultahin ang mga traffic managers at mga commuters na direktang maaapektuhan ng pagbabagong ito.

Kapag pumayag naman aniya ang lahat ay walang magiging problema sa pagpapatupad nito.

Base sa rekomendasyon ng MMDA ang pagpapatupad ng adjusted working hours para sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila ay magsisimula ng alas-siyete ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon upang maibsan ang mabigat na trapiko sa National Capital Region (NCR) tuwing rush hour.

Paliwanag ni MMDA Chairman Atty. Don Artes sa ginanap na press conference ng Metro Manila Council (MMC) noong January 16, na kapag naaprubahan ito ng konseho na binubuo ng labimpitong alkalde ng Maynila ay isusumite nila ito kay Pangulong Marcos.

Lumitaw aniya kasi sa isang survey na ang pagpapatupad ng nasabing working hours sa mga local government unit ay may positibong epekto sa problema sa traffic, dahil nasa 37.15 percent ng mga kawani ng gobyerno sa Maynila, na katumbas ng 175,918 indibidwal na gumagamit ng kani-kanilang sasakyan, ay maaapektuhan sa panukalang work shift.

Habang nasa 47.20 porsyento o 223,508 government employees na sumasakay sa pampublikong transportasyon ang makaiiwas sa rush hour sa proposed working hour adjustment.