Suportado ng Department of Health ang panukala ni Finance Secretary Ralph Recto na ipagbawal ang pagbebenta ng mga disposable vape sa Pilipinas.

Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Health na lahat ng mga disposable vape products ay nagdudulot ng panganib sa kalusugan at katawan ng mga gumagamit.

Kabilang na dito ang tinatawag na emergence of e-cigarette or vapor product-associated lung injury o EVALI, pagkagumon sa nikotina, mga sakit sa respiratory at cardiovascular disease.

Katwiran pa ng DOH, malaki rin ang banta nito sa kapaligiran dahil ang mga disposable vapes ay gawa sa mga non-recycle plastics at batteries na na nagreresulta sa electronic waste.

Ang e-waste ay naglalaman ng mapanganib na kemikal na maaaring tumagos sa mga pinagmumulan ng lupa at tubig na seryosong nagdudulot sa kapaligiran at kalusugan ng publiko.

Sa panukalang pagbabawal sa disposable vape, ipinahayag ni Recto na karamihan sa mga ito ay hindi rehistrado sa Department of Trade and Industry at hindi nagbabayad ng excise tax o ng buwis.
Sinabi ni Recto na kung ang mga disposable vape maker ay ganap na sumusunod sa mga obligasyon sa buwis, ang presyo ng pagbebenta ng kanilang mga aparato ay hindi dapat bababa sa P3,000 bawat isa.

Pinaalalahanan na rin ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang Philippine National Police na tiyakin na ang mga menor de edad ay walang access sa vapes dahil sa dumaraming bilang ng mga kabataan na gumagamit ng vape.

Ayon sa survey ng 2019 Global Youth Tobacco nasa 14 percent ng mga kabataang may edad 13 hanggang 15 taong gulang ay gumagamit na ng electronic cigarettes.