PANUKALA PARA MABIGYAN NG TRABAHO ANG MGA RETIRED SENIOR CITIZEN, PASADO NA SA KAMARA
Lusot na sa ikatlo o huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong payagan ang mga senior citizens na makapagtrabaho kahit na umabot na sa edad ng pagreretiro.
Ang House Bill No. 10985 o ang Employment Opportunities for Senior Citizens and Private Entities Incentives Act ay aprubado sa pamamagitan ng 173 na boto.
Sinabi ni Speaker Martin Romualdez, dapat bigyan pa rin ng pagkakataon ang mga lolo at lola na maging produktibong mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho lalo na kung kaya pa nilang kumilos.
Sa ilalim ng House Bill 10985, inaatasan ang Department of Labor and Employment sa pamamagitan ng Public Employment Service Offices na magpatupad ng panukala.
Maaaring pasukan ng mga senior citizens ang mga trabaho gaya ng clerical o secretarial works, consultancy, cleaning o janitorial services, event organizing, teaching, kitchen help, sales assistance, Business Process Outsourcing at iba pang volunteer.
Nakatakda ring bigyan ng gobyerno ng 25 percent deduction sa kanilang gross income ang sinumang pribadong kompanya na tatanggap sa mga retiradong empleyado bilang kanilang incentives.
Bukod dito ay magiging libre na rin ang pagkuha ng mga Senior’s ng mga dokumento para sa pag-aapply ng trabaho tulad ng Birth Certificate, Police Clearance at Medical Certificate.

