PANUKALANG BATAS NA MAGPAPALAKAS SA PONDO NG MGA BARANGAY, ITINUTULAK SA KONGRESO

Inihain sa Kongreso ni Representative Rodante Marcoleta ang panukalang batas para lumikha ng Barangay Affairs and Development Fund sa pamamagitan ng House Bill 9400.

Layunin nito na matulungan ang mga komunidad lalo na ang nasa 4th at 5th class municipality na matagal nang napabayaan dahil sa kakulangan ng pondo.

Nais din ni Marcoleta na maghanap ng karagdagang pondo para sa mga barangay mula sa mga hindi nagamit na government funds upang palakasin ang pamamahala at kapabilidad ng mga barangay.

Sa kanilang pag-aaral, 12 porsiyento lamang ng halos 42,000 barangay sa buong bansa ang may sapat na pondo para magpatuloy ng operasyon, habang ang karamihan ay nahihirapan sa kakulangan ng budget.

Marami sa mga barangay captainay tumatanggap lamang ng ₱5,000 kada buwan, mas mababa naman ang suweldo ng mga tanod na umaabot sa P1, 000 kada buwan, barangay health workers na may sahod na P800, at Lupon Tagapamayapa na kumikita ng P3 kada araw. Dahil dito, apektado ang serbisyong publiko sa mga barangay.

Kasabay din ng paglikha ng Barangay Affairs and Development Fund ay ang pagsulong na magkaroon ng Barangay Affairs and Development Commission na magbibigay ng tamang pasahod at magsisiguro na maayos ang paggamit ng pondo para sa kapakanan ng mga barangay.

Ipinahayag ni Marcoleta ang kanyang optimismo na magiging batas ang House Bill No. 9400, lalo na’t maraming mambabatas na ang nagpahayag ng kanilang pagsuporta dito.

Nanawagan din ang kongresista sa Kongreso na madaliin ang pagpasa ng batas na ito upang mabigyan ng sapat na suporta ang mga barangay at makapagdulot ng pangmatagalang pagbabago sa mga komunidad.