Isinusulong ni Sen. Paolo “Bam” Aquino IV ang Party-List Reform Act (SB 1559) para tiyaking tunay na boses ng mamamayan at hindi ng political dynasties o malalaking korporasyon ang naririnig sa Kongreso.

Binibigyang-diin ng panukala ang pangangailangang ayusin ang depektibong sistema, lalo na’t ayon sa Kontra Daya, 86 sa 156 party-list noong nakaraang halalan ay konektado sa makapangyarihang pamilya o negosyo.

Giit ni Aquino, sawa na ang publiko sa band-aid solutions at malinaw ang hiling: tunay na reporma.

Sa ilalim ng panukala, aatasan ang Comelec na magsagawa ng public evidentiary hearings para siguraduhing tunay ang kinakatawang sektor ng bawat grupo;

Idi-disqualify ang nominees na may third-degree na kamag-anak na halal na opisyal;

Ipagbabawal ang mga kasalukuyan o mga naging government contractor o opisyal ng kumpanyang sangkot sa public projects; at

Magkakaroon ng mas mahabang deadline sa registration at paglabas ng certified list ng party-lists.

Hinihikayat ni Aquino ang publiko at Kongreso na suportahan ang reporma para masiguro na ang boses ng Pilipino ang mamamayani sa party-list system.