PASIMULA NG BRIGADA ESKWELA 2024, MATAGUMPAY NA IDINAOS SA NUEVA ECIJA HIGH SCHOOL

Idinaos sa Nueva Ecija High School ang division kick-off ceremony bilang pasimula ng Brigada Eskwela 2024 na may temang “Bayanihan para sa matatag na paaralan”.

Sa pangunguna ng DepEd Nueva Ecija ay nakiisa rin si Vice Governor Doc. Anthony Umali sa programa upang magbigay ng dagdag sigla at suriin ang mga kalagayan at mga kakulangan sa mga silid-aralan.

Ayon kay Senior Education Program Specialist, DepEd Nueva Ecija Joel Cruz, taun-taon ay isinasagawa ang Brigada Eskwela bilang paghahanda sa mga paaralan sa nalalapit na pagbubukas ng klase.

Dagdag pa ni Vice Governor Umali, ang naturang programa ay bahagi rin ng paghihikayat sa mga paaralan na mas lalong mapaganda ang kalidad ng pagtuturo para sa mga mag-aaral.

Hinikayat din niya ang mga guro, mag-aaral at mga magulang na makiisa sa brigada eskwela upang mas mapadali ang paghahanda sa nalalapit na pasukan sa July 29, 2024.

Nagpasalamat naman si Senior Education Program Specialist Joel Cruz sa mga suportang natanggap mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija at ilang mga pribadong institusyon na naghanda at nagbigay tulong upang maging matagumpay ang programa.