PASTOR, DUMAAN SA DIBORSYO AT PAGSUBOK; NANATILING TAPAT SA PANANAMPALATAYA

Ibinahagi ni Pastor Gabriel Bagtas Jr. sa programang “Count Your Blessings” nina Congresswoman Cherry Umali at Dra. Kit De Guzman ang pagbibigay Ng Diyos ng bagong simula sa kanyang buhay.

Ayon kay Pastor Gabriel, bata pa lamang ay nakakilala na siya Sa Panginoon at naramdaman niyang tinatawag siya sa ministry, kaya maaga siyang naging resident pastor sa edad na 19 at kalaunan ay nakakilala at nagpakasal sa isang American missionary sa edad na 21.

Kwento pa ni Pastor, ninais niyang makilala ang mga magulang ng kanyang asawa, ngunit nagkaroon sila ng problema sa mga dokumento nang hindi siya mabigyan ng tourist visa, kaya kinailangan pa niyang mag-apply ng resident visa at mag-resign sa simbahan upang makakuha ng US citizenship.

Matapos ang tatlong taon, nakakuha rin siya ng citizenship at nanirahan ng apat na taon sa US kasama ang kanyang asawa at tatlo nilang anak, ngunit dumaan ang kanilang pamilya sa pagsubok nang magtalo sila ng kanyang asawa, na nauwi sa kanilang hiwalayan, restraining order, at divorce dahil sa akusasyong domestic violence.

Matapos ang hiwalayan, sinubukan pa umano ni Pastor na habulin ang kanyang pamilya bago nagdesisyong bumalik sa Pilipinas at muling maging miyembro ng simbahan, habang nanalangin kung itutuloy pa ang pagiging pastor dahil sa takot na masira ang pangalan Ng Diyos dahil isang hiwalay sa asawa ang naglilingkod.

Sa kabila nito, muling bumangon si Pastor Gabriel at bumalik sa ministry sa tulong ng kanyang mga kaibigan at dati niyang simbahan.

Nanumbalik din aniya ang sigla sa kanyang buhay nang makilala niya ang isang babaeng Christian na tumanggap at nagpaibig sa kanya, at ngayon ay mayroon na silang isang anak.