PATROL VEHICLES NG PNP, DARAGDAGAN PARA MAKA RESPONDE SA LOOB NG 5 MINUTO
Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. ‘Jonvic’ Remulla sa ginanap na command conference ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame ang buong suporta ng DILG sa mga reporma o pagbabago ng PNP.
Ito ay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa Bagong Pilipinas.
Pangunahin ang pagpopondo sa pagbili ng mga bago at dagdag na patrol vehicle upang mas tumaas ang mobility at visibility ng pulisya kaugnay ng Kalasag 911 na integrated support system ng PNP para sa national 911 emergency response program.
Ginagamitan ito ng real-time data, geolocation tracking at inter-agency coordination upang matupad ang layuning maka responde sa mga emergency ang mga awtoridad sa loob ng limang minuto sa buong bansa.
Nagkaroon din ng mga operational presentation kung saan inilahad ng National Capital Region Police ang komprehensibong plano para sa full implementation ng 5-minute response, logistical readiness, regular na pagsasanay (SIMEX, COMEX, CAPEX), 8-hour shift para sa tuloy-tuloy na presensya, at pag-deactivate ng police community precincts, substations at police boxes para sa isang fully mobile police force.
Habang si Police Regional Office (PRO) 3 Director BGen. Jean S. Fajardo naman ay nangako sa pagtupad sa 5-minute response policy at pagtutok sa mas mabilis na deployment ng mga pulis imbes na nakatigil sa mga fixed posts.

