Patuloy ang hakbang ng pamahalaan para sa mas sustainable at environment-friendly na transportasyon sa bansa.

Ayon sa Department of Energy (DOE), mayroon nang 912 electric vehicle (EV) charging stations sa buong Pilipinas ngayong taon, ngunit target ng gobyerno na makapagtayo ng 7,300 EV charging stations hanggang 2028 sa ilalim ng Comprehensive Roadmap for the Electric Vehicle Industry (CREVI).

Ngayong taon, maglalabas ang DOE ng bagong guidelines para sa mas maayos na pag-install at operasyon ng EV charging stations, tulad ng paglalagay ng charging stations sa mga gasolinahan at parking areas, at pagsama ng EV infrastructure sa power grid plans.

Sa kasalukuyan, karamihan ng mga charging stations ay nasa sa National Capital Region, kaya layunin ng DOE na palawakin ito sa iba’t-ibang rehiyon, upang mas mapadali ang paggamit ng EVs at mabawasan ang tinatawag na “range anxiety” o pangambang maubusan ng charge sa biyahe.

Bukod pa rito, nagpatupad na rin ang gobyerno ng bawas-taripa at exemption sa number coding para sa mga gumagamit ng EVs, at para hikayatin din ang publiko na mag-switch na sa electric vehicles.

Matatandaang noong April 30, 2024, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOE at iba pang ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang pagpapatupad ng mga plano para sa EV industry, lalo na sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Alinsunod ito sa Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) na layong paigtingin ang paggamit ng electric vehicles sa bansa, bilang hakbang para mapabuti ang energy security at mabawasan ang greenhouse gas emissions.