Lumapag noong Martes sa Brandenburg International Airport sa Berlin, Germany si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama si First Lady Louise Araneta-Marcos at Philippine delegation at isinagawa ang limang araw nilang working visit para pagtibayin ang bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas, Germany at Czech Republic.

Sinalubong sila ng Philippine Ambassador sa Germany na si Irene Susan Natividad kasama ang ilang personnel mula sa Philippine Embassy.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nakipagkita ang Pangulo kay German Chancellor Olaf Scholz sa Berlin at pinag-usapan ang mga gagawing hakbang upang mapagtibay ang bilateral ties sa pagitan ng dalawang bansa, gayundin ang ilang issues na nakakaapekto dito.

Nakaharap din niya ang ilang German business leaders mula sa Bosch, Siemens, at Lufthansa Technik, at nagkaroon ng diskusyon ukol sa mga expansion plans sa Pilipinas.

Layunin din ng state visit ng Pangulo na bigyang tugon ang imbitasyon ni German Federal Foreign Minister Annalena Baerbock nang bumisita ito noong Enero 2024, at ni Czech Prime Minister Petr Fiala noong Abril 2023.

Matapos ang kanyang tatlong araw na working visit sa Germany ay dumiretso na ang Pangulo sa Brandenburg International Airport patungong Prague para sa state visit nito sa Czech Republic.

Nakaharap ni PBBM ang apat na matataas na opisyal ng Czech Republic na sina Czech President Petr Pavel, Prime Minister Petr Fiala, Czech Parliament-Senate President Milos Vystrcil at President of the Chamber of Deputies Marketa Pekarova Adamova.