Mahigit P600 million standby fund ang inilaan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa mga pamilyang Pilipino na naapektuhan ng Bagyong Aghon ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kanyang interim report noong ika-28 ng Mayo, sinabi ng pangulo na nakapagbigay na ang DSWD ng P1.35 milyon ayuda para sa mga indibidwal na apektado ng nanalasang bagyo bukod pa sa P607.9 million recovery assistance na nakahanda nang ipamahagi ng pamahalaan para sa kaparehong layunin.
Bukod sa DSWD, patuloy na inatasan ng Presidente ang Department of Agriculture at Department of Health upang makapagbigay ng assistance sa lahat ng mga biktima ng Typhoon Aghon gayundin ang Department of Public Works and Highways at Department of Transportation para maayos naman ang mga nasirang imprastraktura.
Inihayag ni PBBM na nagdeploy ang pamahalaan ng aabot sa 841 na search, rescue and retrieval teams mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection. Mayroon din aniyang 465 transportation assets, at 436 na mga telecommunication equipments na ginamit para sa pagresponde sa mga nangangailangan ng tulong.
Nagbaba na rin siya ng mandato sa iba pang sangay at ahensya ng pamahalaan para sa mabilisang aksyon sa kasunod ng epekto ng bagyo.
Iniulat din ng pangulo na higit na naapektuhan ng bagyo ang mga nasa Regions 4, 5, 6, 7, at 8, kung saan umabot sa 12,043 na pamilya at 26,726 na indibidwal ang naitalang nasalanta ng naging kalamidad.
Maliban pa rito, mayroon ding tatlong airport at 29 sea ports na naging non-operational, maging ang anim na lungsod at bayan na nakaranas ng power outage sa kasagsagan ng bagyo.
Nakapagtala rin aniya ng 13 insidente ng pagbaha sa bansa at tatlong insidente ng pagguho ng lupa dala ng malakas na mga pag-ulan.
Tiniyak ng Pangulo na patuloy ang kanilang pakikipagkoordinasa sa mga Local Government Units para sa maagap na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyo.

