PBBM, HINIMOK NI MACALINTAL NA I-VETO ANG PAGPAPALIBAN NG BARANGAY AT SK ELECTIONS

Umapela si election lawyer Romulo Macalintal kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag umanong pirmahan ang panukalang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na itinakda sa Disyembre 2025, at layong palawigin ang termino ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay at SK ng isang taon.

Sa ilalim ng panukala, ang halalan ay ililipat sa Nobyembre 2, 2026, na tumatapat sa Undas kung saan araw ng paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay.

Sinabi ni Macalintal, ang pagpirma ng Pangulo sa panukalang ito ay katumbas ng pag-abandona sa sagradong karapatan ng mamamayan na bumoto.

Binigyang-diin din niya na hindi praktikal ang pagsasagawa ng halalan sa Undas, at wala rin umanong sapat na batayan o interes ng pamahalaan para ipagpaliban muli ang halalan.

Ipinaalala niya ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Macalintal vs. Comelec noong 2022, kung saan sinabi ng hukuman na ang pagpapaliban ng eleksyon ay dapat may lehitimong layunin.

Samantala, sa panig ng pamahalaang lokal sa Nueva Ecija, nananatiling kalmado ang posisyon ni DILG Provincial Director Atty. Ofelio A. Tactac Jr., na nagsabing walang agarang epekto sa operasyon ng mga barangay kung sakaling maantala ang halalan.

Gayunman, inamin niyang maaaring magkaiba ang pananaw ng mga mamamayan depende sa kalidad ng serbisyo ng mga kasalukuyang opisyal.

Dagdag pa niya, anuman ang mangyari sa desisyon ukol sa halalan, dapat manatiling nakatuon sa tungkulin ang mga barangay officials.

Sa huli, nanawagan si Macalintal kay Pangulong Marcos na igalang ang naging pasya ng Korte Suprema at panatilihin ang integridad ng halalan sa bansa.