PBBM, NANAWAGAN SA MEDIA NA MANATILING TAPAT AT LABANAN ANG FAKE NEWS

Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga journalists na patuloy na maging tapat sa kanilang tungkulin at sundin ang tamang pamantayan ng pamamahayag.

Binigyang-diin ng Pangulo na mahalaga para sa mga mamamahayag na manatiling nangunguna sa paghahatid ng tamang impormasyon at iwasan ang sensationalism, pagkiling, at personal na interes sa kanilang mga balita.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag na ito sa naganap na oath taking ceremony ng mga bagong opisyal ng iba’t ibang media groups tulad ng National Press Club (NPC), Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), Malacañang Press Corps., Malacañang Cameramen Association, at Presidential Photojournalists Association.

Humingi rin ng suporta si Pangulong Marcos mula sa media upang matulungan ang publiko na maging mapanuri sa mga nababasa, napapanood o napapakinggan na balita.

Ipinahayag din niya na may mga hakbang na ginagawa ang pamahalaan para labanan ang pagkalat ng fake news at mas palakasin ang proteksyon para sa mga nasa media.