Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang paghanga sa pagiging makabayan ng mga Pilipino na nasaksihan sa pamamagitan ng pagiging matapang na pagtanggol sa karapatang naayon sa ilalim ng pandaigdigang batas.

Ito ay matapos magsilbing guest of honor ni Pangulong Marcos sa paggunita ng ika-503 Commemoration of the Victory sa Mactan, Cebu.

Ayon sa kanyang talumpati, nakikita rin ang pagiging makabayan ng mga Pinoy sa pamamagitan ng pagmamahal sa kapwa, pag-aaruga sa mga napinsala, pagtulong sa mga nagdarahop at pagtanggol sa mga inaapi.

Pinangunahan din ng Pangulo ang flag raising ceremony at wreath laying bilang pagpupugay sa kauna-unahang bayani ng bansa na si Datu Lapulapu.

Nasaksihan din niya ang reenactment ng Battle of Mactan at ang pagtatanghal ng Lapu-Lapu Arnis de Abanico, na sinundan pa ng presentasyon ng miniature ng Lapulapu statue na inihanda ng LGU ng Lapulapu City.

Dagdag pa ng Pangulo, dapat ipagpatuloy ng mga Pinoy na gayahin ang kabayanihan ni Lapu-lapu, lalo na’t patuloy aniyang nahaharap sa iba’t-ibang hamon ang Pilipinas.