PCEDO, NAGLUNSAD NG DIGITAL TOOL PARA TULUNGAN ANG MGA KOOPERATIBA SA PAGSUMITE NG FINANCIAL STATEMENTS

Nagbigay ang Provincial Cooperative and Entrepreneurship Development Office (PCEDO) ng libreng technical assistance sa ‘Quezon Transport Cooperative’ sa bayan ng Quezon, Nueva Ecija.

Ipinakilala ng PCEDO ang isang excel-based tool na nilikha ng Kapitolyo upang gawing mas mabilis at maayos ang paggawa ng financial statements ng mga kooperatiba, lalo na ngayong panahon ng ‘digitalization’.

Ayon kay PCEDO Officer Lorna Mae Vero, ang “Cooperative Accounting Management Utility Financial Statement Spreadsheet” ay isang libreng tool na idinisenyo upang suportahan ang mga kooperatiba sa pagpasa ng kanilang mga requirements.

Bukod sa paggamit ng digital tool, nagbigay din ang PCEDO ng kaalaman tungkol sa pagpaparehistro sa Cooperative Development Authority (CDA), tamang pamamahala ng mga pondo, at pagpapalakas ng mga kasanayan ng kanilang mga miyembro.

Dagdag pa PCEDO Officer, kinikilala ng Kapitolyo ang mga kooperatiba bilang katuwang sa pag-unlad ng lalawigan, kaya lahat umano ng suportang kaya nilang ibigay ay ipagkakaloob sa mga ito.

Samantala, sinabi naman ng Chairman ng Quezon Transport Cooperative na si Florante Quijano, malaki ang benepisyong natanggap nila mula sa programa, dahil naging mas malinaw at maayos na ngayon ang proseso ng pagsusumite ng kanilang financial statement na makakatulong para sa kanilang operasyon.