Napigilan ng itinuturing na bayaning aso ang isang malaking trahedya na nakabadyang mangyari sa pamamagitan ng pagkagat nito sa charger ng electric scooter ng kanyang amo, matapos mapansin ang pagkislap ng apoy mula dito.
Ang video ay kuha mula sa surveillance camera sa labas ng bahay nito sa Henan Province, China.
Sa video, ay nakita ang isang Belgian Malinois na pinangalanang “Black Panther” na nakaupo sa isang maliit na upuan ng aso na nasa bakuran sa tabi ng bukas na garahe.
Mabilis na nakuha ang atensyon nito sa kalapit na charger ng electric scooter na nakasaksak na nagsimulang magspark.
Tahimik na naglakad ang aso papunta sa nasusunog na cable at sinubukang hilahin ito gamit ang kanyang bibig.
Matapos ang ilang pagtatangka ay nagawa nitong kagatin ang mga wire, napigilan ang sunog at nailigtas ang may-ari nito mula sa panganib.
Inakala noong una ng may-ari nito na pinaglaruan at nginatngat ng kanyang aso ang charger kaya nagalit siya dito.
Ngunit pagkatapos niyang panoorin ang surveillance footage, nagulat siya nang matuklasan niyang iniligtas siya ng kanyang aso mula sa sakuna at humingi ng paumanhin sa alaga sa pamamagitan ng paghahain ng masarap na pagkain dito.
Ang Belgian Malinois ay isang napakatalino at maabilidad na lahi ng aso, na kilala sa kanyang liksi, tibay, at kakayahang sanayin.
Nagmula sa Belgium, madalas itong ginagamit sa iba’t ibang tungkulin, kabilang ang search and rescue mission, at bilang isang tapat at nagbibigay ng proteksyon sa pamilyang nagmamay-ari dito.

