PETSA NG KASAL NG ISANG BRIDE, PETSA RIN NG KANYANG KAMATAYAN

Ang araw na nangakong magsasama habang buhay ay matutuldukan na rin pala sa mismong araw ng kanilang pagiging isa.

Maituturing na pinakamasayang araw ng isang babae ang kanyang kasal at isang pribelehiyo naman para sa mga kamag-anak at kaibigan na masaksihan ito, ngunit paano matutupad ang sumpaang sabay na tatanda kung mayroon nang nauna?

Ikinasal si Jenny habang nakaratay sa ospital sa kanyang long-time boyfriend na sundalong si Jayson De Guzman mula sa Malasiqui, Pangasinan, noong September 6, 2024, 11:00 ng umaga.

Ngunit hindi pa man lumilipas ang isang araw bilang Mrs. De Guzman, ay nilisan na ni Jenny ang kanyang asawa at mga anak dahil sa sakit na brain tumor.

Bago sumapit ang araw ng kanilang kasal ay dalawang linggo na umanong naka-confine sa isang ospital si Jenny sa Dagupan City.

Nagsimula ang relasyon ng dalawa taong 2016 at nagdesisyong magsama sa iisang bubong pagkatapos ng dalawang taon na pinagtibay ng kanilang masidhing pagmamahalan at pag-aalaga sa isa’t isa.

Ayon sa pinsan ni Jayson, ang tagpong kanilang nasaksihan na maituturing niyang pinakamalungkot na kasal ay inakala niyang mapapanuod lamang sa Facebook, ngunit ibinigay ng tadhana na matunghayan nila ito ng personal.

Hiling ng kanilang pamilya na makayanan ni Jayson ang pagsubok na ito at magpakatatag para sa kanilang mga anak na naulila ni Jenny.