PGNE CHORALE, BUO NA; MGA KAWANI NG KAPITOLYO, IPINAMALAS ANG HUSAY SA PAG-AWIT

Sa layuning maipakita ang talento ng mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa larangan ng musika, binuo kamakailan ang PGNE Chorale, isang grupo ng mga piling empleyado mula sa iba’t ibang departamento ng Kapitolyo.

Sa ilalim ng gabay ni Coach Maria Reina Mae Tuazon, unti-unti nang nahuhubog ang 27 members ng grupo.

Ayon kay Coach Tuazon, naging maayos ang audition process sa tulong ng HR Department, at hindi umano niya inasahan na madami ang gustong sumali, kaya laking tuwa niya dahil maraming empleyado ang may interes sa musika.

Sa pagpili naman ng 27 na miyembro, katuwang niya ang tatlong miyembro ng Nueva Ecija Singing Ambassadors, at dalawang pangunahing bagay ang kanilang tiningnan sa mga sumubok, ito ay ang commitment at ang vocal ability.

Isa sa mga miyembro ng grupo ay si Yvan Soriano mula sa Provincial Social Welfare and Development Office. Sa kabila ng kaunting bilang ng mga lalaki sa choir, masaya siyang maging bahagi ng grupo. Karamihan aniya sa mga lalaki, mas interesado sa banda, ngunit kung may proper training, ay maganda rin umanong subukan ang ibang genre ng music.

Si Krisia Aira Nicolas naman, isang Community Affairs Officer sa Provincial Accounting Office, ay nagsabing blending ng boses ang naging hamon para sa kanya, dahil kahit kaya niyang i-control ang kanyang boses, hindi niya agad nalalaman kung nag-be-blend ba ito kapag kasama na ang buong grupo.

Kwento ng dalawang empleyado, pareho silang unang beses sumali sa chorale group, ngunit may background na sa pagkanta sa simbahan, family gatherings, at iba’t ibang events.

Sa kabila ng kanilang regular na trabaho sa opisina, sinisikap ng mga miyembro na mabalanse ang oras para sa practice.

Ayon kay Yvan, may mga gawain sa opisina na kaya niyang gawin kahit saan, at flexible ang oras sa kanilang departamento. Para naman kay Krisia, mahalaga ang time management, at kapag alam niyang may practice, maaga aniyang tinatapos ang trabaho sa opisina.

Para sa kanila, malaking bagay ang pagkakaroon ng plataporma mula mismo sa pamahalaang panlalawigan upang maipakita ang kanilang talento sa sining at musika.

Kaya naman lubos ang kanilang pasasalamat sa suporta ng pamunuan, na pinangungunahan nina Governor Oyie Umali at Vice Governor Doc. Anthony Umali, na kahit abala sa mga tungkulin ay patuloy na nagbibigay-pansin at suporta sa arts and culture.