PH15.00 NA PRESYO NG PALAY, BILI NG PROVINCIAL FOOD COUNCIL SA MGA MAGSASAKA NG NUEVA ECIJA
Laking pasasalamat ng mga magsasaka sa Nueva Ecija na benepisyaryo ng Palay Price Support Program ng pamahalaang panlalawigan na bumibili ng palay sa mas mataas na presyo sa pamamagitan ng Provincial Food Council (PFC).
Kwento ni Ronald Dominguez mula sa bayan ng Lupao, malaking tulong ito upang mabawi niya ang puhunanang umabot sa halos P60,000 sa 1.5 ektarya, kung saan 125 kaban lamang ang kanyang inani.
Sa bayan naman ng Guimba isa siTatay Arturo Pascua ng Barangay Balingog East na nakabenta rin ng kanyang 158 kaban ng palay na inani sa dalawang ektaryang sinasaka.
Malaking tulong aniya ang inisyatibang ito ni Governor Aurelio Umali sa mga magsasakang kagaya niya na naapektuhan ng mga kalamidad.
Nasagip din sa pagkalugi si Tatay Ronaldo Del Rosario Macalala mula sa Palasinan, Cabiao mula P7 hanggang P8.50 kada kilo na kalakarang presyo ng palay.
Dahil sa tulong ng programa, muling nabuhayan ng loob si Tatay Ronaldo na nagdadalawang-isip na kung ipagpapatuloy pa ang pagsasaka.
Layon ng programang ito ng kapitolyo na suportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka sa gitna ng epekto ng kalamidad at bagsak na presyo ng palay sa merkado.

