PHILHEALTH, MAGBIBIGAY NG P20K LIBRENG GAMOT KADA TAON SA ILALIM NG YAKAP PROGRAM
Inilunsad na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pinalawak na Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment (GAMOT) package, kung saan maaaring makakuha ang mga miyembro ng hanggang PHP20,000 halaga ng libreng outpatient medicines kada taon simula Agosto 21, 2025.
Batay sa PhilHealth Circular No. 2025-0013, saklaw ng programa ang 75 uri ng gamot para sa mga karaniwang karamdaman gaya ng impeksyon, hika, chronic obstructive pulmonary disease, diabetes, altapresyon, mataas na kolesterol, sakit sa puso at nervous system disorders. Mula sa dating 21 libreng gamot sa ilalim ng Konsultasyong Sulit Tama o Konsulta package, nadagdagan pa ito ng 54 na uri upang mas mapalawak ang benepisyo.
Sa paglulunsad ng programa nitong July 25, sinabi ni PhilHealth President at CEO Edwin Mercado na layunin ng GAMOT na bawasan ang gastusin ng mga Pilipino sa pagbili ng gamot at medikal na gamit.
Ayon kay Marvy Robledo, Chief Social Insurance Officer ng PhilHealth Local Health Insurance Office Cabanatuan City Branch, kailangang magparehistro muna ang mga miyembro bilang benepisyaryo ng PhilHealth YAKAP Program sa pamamagitan ng eGovPH app, PhilHealth member portal, mga tanggapan ng PhilHealth, o iba pang registration channels. Kailangan ding kumuha ng reseta mula sa YAKAP o PhilHealth-accredited physician na may Unique Prescription Security Code at magpakita ng government-issued ID sa accredited GAMOT facility.
Sa ngayon, may higit 4,300 partner clinics sa buong bansa kung saan maaaring makuha ang libreng gamot, at inaasahan pang madaragdagan ang bilang ng mga accredited na pasilidad. Sa Metro Manila, available din ang benepisyo sa piling partner pharmacies.
Sa Nueva Ecija naman, inaayos pa ang listahan ng mga botika na maaaring i-accredit sa programa.
Nakasaad sa PhilHealth Circular 2025-0013 ang kumpletong listahan ng mga gamot na sakop ng bagong package.

