Matinding pag-aalala ang ipinahayag ng pamahalaan matapos kumpirmahin na isang Philippine Air Force surveillance aircraft ang pinaputukan ng tatlong signal flares ng isang Chinese vessel habang nagsasagawa ito ng routine patrol malapit sa Subi Reef sa pinag-aagawang South China Sea.

Base sa ulat ng Associated Press, ang insidente ay naganap habang ang eroplano ay nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, batay sa 2016 arbitral ruling na kumikilala sa karapatan ng bansa sa lugar.

Inilahad ng military namataan nito ang ilang Chinese maritime vessels habang nasa itinakdang ruta ang Philippine surveillance aircraft at ilang sandali matapos ang visual contact, tatlong flares ang pinakawalan ng isa sa mga barko.

Binigyang-diin ng mga opisyal ng depensa na bagaman walang iniulat na pinsala sa eroplano o sa crew, ang flare-firing ay maituturing na agresibo at mapanganib, lalo na kung ang aircraft ay nasa ligtas at lehitimong operasyon.

Giit ng Department of National Defense (DND), nasa legal na operational area ang Philippine patrol aircraft at bahagi ng regular nitong misyon ang pag-monitor sa maritime activities, pagprotekta sa mga mangingisdang Pilipino, at pagpapatibay ng maritime domain awareness.

Sa panayam sa DND spokesperson ay sinabi nitong nagsagawa lamang sila ng legitimate sa loob ng West Philippine Sea at ang ganitong aksyon ay hindi aniya dapat balewalain.

Base pa rin sa mga ulat, iginiit ng Chinese authorities na ang pagpapaputok ng flares ay bahagi ng kanilang “maritime warning procedure” laban umano sa mga sasakyang lumalapit sa kanilang inaangking teritoryo.

Tutol naman sa pahayag na ito ang mga security analyst at sinabing ang ganitong hakbang ay maaaring magdulot ng “dangerous escalation,” dahil ang flares ay maaaring makaapekto sa visibility at operational safety ng aircraft.

Ang naturang insidente ay panibagong insidente sa serye ng mga agresibong aksyon ng China laban sa Pilipinas sa nakalipas na taon, kabilang ang: pagharang sa resupply missions, paggamit ng water cannon sa Philippine vessels, pag-block sa mga fisherfolk, at laser illumination incident sa isang Philippine ship.

Ipinapakita nito ang patuloy na lumalalang tensyon sa West Philippine Sea at ang pangangailangan ng mas matatag na diplomatic at strategic response, ayon sa mga eksperto.

Upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa hinaharap, inaasahang magsusumite ang Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China at magsasagawa ng masusing pag-aaral, habang patuloy ring palalakasin ang joint patrols at maritime cooperation sa mga kaalyadong bansa.

Nanindigan ang pamahalaan na patuloy nitong ipagtatanggol ang karapatan at soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, at sa kabila ng insidente, tiniyak ng Armed Forces na mananatiling maayos at propesyonal ang kanilang operasyon sa rehiyon.