Nagkasundo ang League of Municipalities of the Philippines- Nueva Ecija Chapter na magpasa ng resolusyon sa Pamahalaan Panlalawigan ng Nueva Ecija upang mabigyan ng P3 million incentive fund ang bawat Local Government Units na nagwagi sa 2023 Seal of Good Local Governance award ng Department of Interior and Local Government o DILG.
Pinangunahan ang regular na pagpupulong ng grupo ni LMP-NE President at San Antonio Mayor Arvin C. Salonga na ginanap sa Manggahan Resort noong buwang ng Enero.
Sinabi ni Salonga na hinahangad ng grupo na magkaroon ng counterpart fund ang kapitolyo na katulad ng Performance Challenge Fund na ibinibigay ng DILG bilang karagdagang insentibo sa mga SGLG passers.
Kaya iminungkahi ni Quezon Mayor Mariano Cristino “Boyet” Joson ang halagang P3-million habang si Mayor Flor Paguio-Esteban ng Cuyapo ang nagpasimuno na ipalabas ang nasabing resolusyon na isinumite na kay Governor Aurelio “Oyie” Umali at sa Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Gov. Anthony Umali para sa karagdagang pag-aaral.
Ayon kay DILG Provincial Director Atty. Ofelio A. Tactac, hiniling umano ng mga alkalde ang naturang pondo upang magamit ng mga LGU sa mga pagawaing imprastraktura o iba pang programa para sa kapakinabangan ng kanilang nasasakupan.
Ang Performance Challenge Fund ng Seal of Good Local Governance ay pondong natatanggap ng mga LGU na inilalaan para sa mga lokal na proyekto na makakatulong sa pagpapaunlad at pagpapasigla ng mga lokal na pamahalaan.
Matatandaan noong December 2023 ay personal na tinanggap ng Provincial Government of Nueva Ecija kasama ang 13 LGUs sa lalawigan ang incentive fund matapos makapasa sa SGLG na iginawad ng DILG. Ito ay kinabibilangan ng San Jose City, Cabiao, Cuyapo, Guimba, Llanera, Nampicuan, Rizal, Talavera, General Tinio, Gabaldon, Bongabon, San Antonio at San Leonardo.

