PHP 40K, IPAPATAW NA MULTA SA MGA BUYER AT SELLER NG MGA SEGUNDA MANONG SASAKYAN NA HINDI MAGRE-REPORT SA LTO
Obligado nang magtungo sa Land Transportation Office (LTO) ang lahat ng mga nagbebenta o bumili ng segunda manong motorsiklo o sasakyan upang mag-report sa LTO ang nangyaring bentahan.
Kapag ang motorsiklo o sasakyan ay nabiling second hand, dapat malaman kung ito ba ay nakapangalan na sa inyo? O nasa una pang may-ari nakapangalan?
Meron kasing inilabas na Administrative Order ang LTO noon pang August 30, 2024 at epektibo na ito noong nakaraang Setyembre 16, 2024.
Ayon kay LTO Executive Dir. Atty., Greg Guillermo Pua Jr., sakaling hindi sumunod sa memorandum ang buyer at seller ng motorsiklo o sasakyan ay maaaring patawan ito ng multa. Aabot sa P40k ang mga hindi susunod, P20K ang multa sa nagbenta at P20K naman sa bumili kapag hindi ito sinunod.
Ang nagbenta ay kailangang magreport sa LTO sa loob ng 5 araw, kailangang magsumite ng official receipt at certificate of registration o OR CR, kailangan din ng deed of sale at ID ng nagbenta at bumili.
Para naman sa mga bumili meron itong 20 working days para mailipat sa kanyang pangalan ang kanyang nabiling segundamanong sasakyan.
Retroactive ang nasabing Administrative Order, ibig sabihin sakop pa nito ang mga bumili at nagbenta ng mga sasakyan kahit 90s pa nabenta o nabili ang sasakyan, bago pa ito inilabas ang utos.
Marami namang mga motorista ang hindi pa ito alam kahit noong nakaraang buwan pa ito sinimulan.
Pag-aaralan umano ng LTO ang extention ng deadline sa mga nagbenta at bumili ng segunda manong sasakyan bago inilabas ang kautusan, at hindi naman babawiin ang mga lisensiya ng mga mahuhuling lalabag pero magkakarecord umano sila sa LTO.

