BABALA! SENSITIBONG BALITA:

PHP1.5 BILYONG HALAGA NG SHABU, NATAGPUAN NG MGA MANGINGISDA SA WEST PHILIPPINE SEA

Isuko sa awtoridad ng mga lokal na mangingisda sa Bataan ang humigit-kumulang PHP 1.5 bilyong halaga ng hinihinalang shabu na kanilang natagpuan sa bahagi ng West Philippine Sea, malapit sa West Bajo de Masinloc, Zambales.

Base sa report ng Police Regional Office 3, isinalaysay ng kapitan ng bangka na bandang 5:30 ng hapon noong Mayo 29, 2025, namataan nila ang ilang nakalutang na sako sa karagatan.

Akala raw nila ay mga food packs ang laman nito, ngunit nang buksan ang isang sako ay laking gulat nila nang tumambad ang mga pakete ng hinihinalang shabu.

Kaya agad nila itong dinala sa sa bahagi ng Brgy. Sisiman Mariveles, Bataan, dakong alas dos ng hapon noong Hunyo 1, 2025, kung saan pansamantalang inilagak ang mga sako sa isang floating barge.

Kinabukasan, Hunyo 2, bandang alas-8:00 ng umaga, iniulat ng kapitan ang insidente sa Philippine Coast Guard (PCG) – Mariveles Sub-Station na mabilis na nakipag-ugnayan sa PCG, Mariveles Municipal Police Station, at Bataan Provincial Police Drug Enforcement Unit sa ilalim ng pamumuno ni PCOL Marites A. Salvadora, Provincial Director ng Bataan PPO, kasama ang PDEA-Bataan.

Isinagawa umano ang imbentaryo ng kontrabando sa presensya ng mga kinatawan ng Department of Justice, media, at isang halal na opisyal. Tinatayang 222 kilo ng hinihinalang shabu ang laman ng sampung (10) sako, na may kabuuang halagang PHP 1.509 bilyon.

Pinuri naman ni PBGEN Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3 ang mga mangingisdang nagsuko ng kontrabando at hinihikayat ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating rehiyon.