PHP1-MILLION, INSENTIBO NG NUEVA ECIJA DAHIL SA PAGIGING MALARIA-FREE

Tatanggap ng Php1,000,000 na insentibo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija mula sa Department of Health-Central Luzon Center for Health Development (DOH-CLCHD) dahil sa pagkakadeklara sa lalawigan bilang Malaria-Free Province.

Ito ay matapos na aprubahan sa 18th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda bilang kinatawan ng Provincial Government sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng DOH para sa pagkakaloob ng naturang halaga.

Ayon kay Provincial Health Officer Dra. Josefina Garcia, deklaradong Malaria-Free Province ang lalawigan noong nakaraang taon dahil mula 2015 hanggang 2022 at sa kasalukuyan ay wala nang naitalang kaso ng Malaria sa probinsya.

Sinabi ni Dra. Garcia, dahil ito sa mga estratehiya at interbensyon ng kanilang opisina kung saan nagsagawa sila ng borders operations sa mga pinanggagalingan ng lamok na nagdadala ng malaria kagaya ng Doña Remedios Trinidad sa Gapan at Aurora sa bahagi ng Gabaldon.

Lahat aniya ng mga kabahayan doon ay pininturahan ng kemikal na pumupuksa sa mga lamok at binigyan ang bawat bahay ng insecticides treated nets o mga kulambong inilubog sa kemikal.

Paliwanag ni Dra. Garcia, ang mga lamok na may dalang malaria na day biting mosquito ay dumadapo sa mga pader ng bahay sa oras na hindi sila nangangagat.

Dahil dito ay maituturing ani Dra, Garcia na epektibo ang kanilang isinagawang strategies at interventions na nagdulot ng pagiging malaria-free ng lalawigan.

Ang insentibong matatanggap ay gagamitin para sa sustainability work and financial plan ng provincial government kung saan bibili ng 650 pieces ng long lasting insecticides treated nets na nagkakahalaga ng Php617,000; 12 bottles ng insecticides na nagkakahalaga ng Php60,000; dalawang yunit ng spray can na nagkakahalaga ng Php150,000; meeting and printing ng IEC materials na nagkakahalaga ng Php83,000; entomological surveillance materials na nagkakahalaga ng Php30,000; at pagbili ng laptop.