PHP20 NA BIGAS, AVAILABLE NA PARA SA MGA MINIMUM WAGE EARNERS SA HUNYO
Ipapatupad na sa Hunyo ang programang “Benteng Bigas Meron (BBM) Na!” para sa mga minimum wage earners, ayon sa kasunduang nilagdaan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa ilalim ng programa, 120,000 minimum wage earners ang makakabili ng bigas sa halagang PHP20 kada kilo. Sinabi ng DA, bawat benepisyaryo ay maaaring bumili ng hanggang 10 kilo ng bigas kada buwan, na katumbas ng kabuuang alokasyong 1.2 milyong kilo buwan-buwan.
Layunin ng BBM Na! na magbigay ng kaginhawaan sa mas maraming pamilyang Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Una na itong ipinatupad para sa mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at 4Ps beneficiaries, at kasalukuyang ipinatutupad sa ilang bahagi ng Visayas, Metro Manila, at mga karatig-probinsiya.
Gayunpaman, binatikos ng research group na IBON Foundation ang programa bilang pakulo umano na hindi tumutugon sa ugat ng krisis ng mataas na presyo ng bigas.
Base sa kanilang pag-aaral, ang PHP4.5 bilyong inilaan para sa programa ay inaasahang mauubos sa December 2025 at sasaklaw lamang sa humigit-kumulang 997,000 kabahayan kung saan malayo ito sa target na dalawang milyong benepisyaryo.
Dagdag pa ng IBON, ang 10 kilong limitasyon sa buwanang bentahan ng bigas ay hindi sapat sa aktuwal na konsumo ng isang tipikal na pamilyang Pilipino, kaya’t hindi nito lubos na natutugunan ang pangangailangan sa pagkain.
Giit ng grupo, kung tunay na layunin ng pamahalaan ang ibaba ang presyo ng bigas sa PHP20 kada kilo para sa lahat, kinakailangan ng mas malalim at istrukturang reporma sa sektor ng agrikultura. Kabilang sa mga mungkahing hakbang ang paghinto sa labis na pag-asa sa imported na bigas, direktang suporta sa lokal na magsasaka, at pagsasaayos ng supply chain para mapababa ang gastusin mula produksyon hanggang distribusyon.
Bagamat kinikilala ng IBON Foundation ang positibong intensyon ng programa, iginiit nilang mananatiling pansamantala at limitado ang epekto ng BBM Na! kung hindi ito sasamahan ng mas malawak at pangmatagalang solusyon sa suliranin ng agrikultura sa bansa.

