PHP200K NA HALAGA NG KABAONG, NAPANALUNAN SA ISANG RAFFLE SA CHRISTMAS PARTY

Kaliwa’t kanan na ang pagsasagawa ng mga Christmas Party dahil sa nalalapit na kapaskuhan at hindi nawawala sa selebrasyon ang kinasasabikan at kinakakabahang paraffle.

Maswerte ba kayo sa mga raffle? Paano kung sa halip na appliances o gadget ang mapanalunan ay kabaong ang iyong maiuwi sa inyong tahanan?

Halagang Php200K na kabaong lang naman ang pamatay na papremyo sa pagalingan sa funeral make-up na pakulo ng Philippine Mortuary Association o samahan ng mga funeral homes owner sa kanilang Christmas Party.

Ayon sa kanilang spokesperson na si Jordan Miranda, dumalo sa naturang kasiyahan ang mga may-ari ng punerarya at suppliers mula Luzon hanggang Mindanao.

Maliban sa mga appliances at cash ay naging tradisyon na daw nila ang magparaffle ng kabaong o ataul.

Sa anim na kabaong na ipinaraffle nila ngayong taon ay aabot sa Php200K ang pinakamahal dito na isang 20-gauge steel casket.

Kabilang din sa ipinaraffle ang funeral viewing light sets o mga ilaw na ginagamit sa mga burol, kasama na ang stand kung saan inilalagay ang detalye ng burol.

Minsan daw ay itinatabi ng mga nanalo sa raffle ang napanalunang ataul, ang iba naman ay ipinamimigay habang ang ilan ay ibinebenta naman ito bilang dagdag na pang-kapital.