PHP260-BILLION BUDGET, IPINANAWAGANG ILIPAT SA EDUCATION AT PUBLIC SERVICES

Ginawaran si Senator Bam Aquino ng Doctor of Education, Honoris Causa ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) bilang pagkilala sa kaniyang mahalagang papel bilang pangunahing may-akda ng Free College Law, na nagpataas ng access sa higher education para sa milyun-milyong estudyante sa bansa.

Pinuri ni PLM Board of Regents Chairman Atty. Edward Serapio ang “landmark law” at ang ambag ni Aquino bilang student leader, youth advocate, at senador sa pagsusulong ng edukasyon.

Sa ilalim ng batas na ipinatupad noong 2017, tinatayang 3.5 million na estudyante ang nakikinabang — mahigit 2.2 million sa State at Local Universities and Colleges (SUCs/LUCs) at 1.3 million mula sa private schools sa pamamagitan ng Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong Program.

Sa kaniyang commencement address, muling tiniyak ni Aquino ang sapat na pondo para sa Free College Program sa 2026 national budget. Nanawagan din siyang ilipat ang ₱260 billion na kasalukuyang budget para sa flood control projects patungo sa education, healthcare, at iba pang critical public services.

Ito na ang pangalawang honorary doctorate ni Aquino; unang iginawad ito sa kaniya noong 2017 ng Tarlac State University para sa kaniyang adbokasiya sa edukasyon.