PHP398-MILLION NA HALAGA NG MGA MAKINARYANG PAMBUKID, IPINAGKALOOB SA MGA MAGSASAKA NG NUEVA ECIJA
Ipinagkaloob ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ang halagang Php398.54 million ng mga makinaryang pambukid sa 88 farmer’s cooperatives and associations (FCAs) at local government units (LGU) sa Nueva Ecija, sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program na ginanap sa headquarters ng ahensya sa Science City of Muñoz.
Ito ay pinangunahan nina Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture Regional Office 3 Director Crispulo G. Bautista Jr., at Nueva Ecija Governor Aurelio Umali, na dinaluhan naman nina Congresswoman Mika Suansing, mga bokal at ilang alkalde sa lalawigan at iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Kabilang sa mga ipinamahagi ang 5 four-wheel tractors; 22 hand tractors; 9 walk-behind transplanters; 21 riding types transplan ter; 4 precision seeders; 22 rice combine harvesters; 9 single-pass rice mills; 13 six-ton recirculating dryers; 13 12-ton recirculating dryers; four 1.5-ton per hour (tph) multi-stage rice mills; two 2-3 tph multi-stage rice mills; at one 4-5 tph multi-stage rice mills.
Ayon kay PhilMech Director IV Dionisio G. Alvindia, ang isang araw na pamamahagi ng 125 units ng iba’t ibang farm machines ay may malaking epekto sa produksyon ng palay sa probinsya at kalapit na mga lugar, na makatutulong sa pag-abot ng bansa sa mataas na lebel ng seguridad sa pagkain.
Bilang backbone ng sektor ng agrikultura ang Nueva Ecija ay ipinagmalaki ni Governor Oyie na ang pamahalaang panlalawigan ay nagmamay-ari na ng automated rice mill bilang bahagi ng kanyang binuong programa sa pamimili ng palay sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagtatatag ng Provincial Food Council.
Binigyang diin din ni Gov. Oyie ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga silos na magsisilbing storage ng mga rfresh palay sa iba’t ibang panig ng bansa upang mapangalagaan ang food security.
Nauna na dito ay pinasinayaan naman ang Agricultural Machinery Design and Prototyping Center (AMDPC) na makatutulong para sa modernisasyon sa sektor ng pagsasaka sa bansa, na tutuon sa pagbuo at pag-improve ng mga kagamitang pang-agrikultura na angkop sa ng agrikultura sa Pilipinas.
Ito ay pinondohan ng Php370.545 million kung saan Php289 million dito ay galing sa Government of South Korea sa pamamagitan ng Korea International Cooperation Agency (KOICA) habang Php81.545 million naman ang galing sa Philippine Government.

