PHP500K, IPHONE, IBINALIK NG TRICYCLE DRIVER NA PWD SA KANYANG PASAHERO
Mahirap daw ang buhay at baon din sa mga utang ang kwarentay sais anyos na tricycle driver na si Elinoy Teñozo na taga Aliaga, Nueva Ecija, pero hindi kailanman ito magiging dahilan upang masilaw siya sa pera kahit gaano pa kalaki ang halaga.
Hindi inakala ni Teñozo na makakahawak siya ng halagang Php500, 000 at iphone noong November 13, 2023 nang maiwan ang bag ng kanyang naging pasahero na sumakay sa kanya sa Mcdo Crossing sa Cabanatuan City at nagpahatid sa Sumacab.
Kwento ni Teñozo, pagkahatid sa kanyang pasahero ay nagtungo ito sa isang kainan upang magmeryenda nang mapansin niyang may umaaligid sa kanyang tricycle at nang makitang may bag sa loob ay agad niyang nilapitan ang kanyang sasakyan.
Naglalaman ng malaking halaga ng pera, iphone, passport, IDs, at iba pang mahahalagang gamit ang bag kaya kaagad siyang bumalik sa crossing sa pag-aakalang bumalik din doon ang kanyang pasahero upang hanapin siya.
Ang may-ari ng mga naiwang pera at gamit ay tumawag naman daw sa naiwang cellphone at sa tulong ng kanyang mga kakilala ay nagawa niyang masagot ang tawag upang maibalik ang mga ito.
Sobra daw ang pasasalamat ng may-ari ng bag na hindi na niya nakuha ang pangalan, pambili umano ng sasakyan ang perang naibalik dito.
Bilang pasasalamat naman ay pinakain siya ng may-ari ng bag at binigyan ng Php5000 na bagaman nag-aalinlangan siyang tanggapin ay tinanggap na rin niya upang maipangggastos sa bahay.
Galing daw kasi sa utang ang ipinangpatayo nila ng sariling bahay na buwanan nitong hinuhulugan sa pamamagitan ng pamamasada, nang mabangga kasi siya at takbuhan noong 2018 ay hindi na siya nakabalik sa pagiging security guard.
Dahil nadurog na rin ang buto sa kanyang paa ay kinailangan na itong lagyan ng bakal sa loob upang makalakad siya.
Proud naman ang anak nitong si Jelyn na sa kabila ng hirap ng kanilang sitwasyon ay mas pinairal nito ang kabutihan sa kapwa.

