PHP500K MULA SA DEPARTMENT OF HEALTH, INILAAN PARA SA BAKUNAHAN SA TALAVERA
Inaprubahan sa 13th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija, ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa kasunduan sa pagitan ng Department of Health-Central Luzon Center for Health Development (DOH-CLCHD) para sa implementasyon ng 2025 Healthy Settings Program-Healthy Communities.
Ayon kay Dr. Christian Salazar, Acting Provincial Health Officer, ang programang ito ay tinatawag na “playbook” ng DOH, kung saan sa ilalim nito ay tutukuyin ang mga pangangailangan ng bawat komunidad upang pagtuunan ng pansin.
Napili ang bayan ng Talavera bilang pilot area dahil sa mababang Fully Immunized Children (FIC) coverage o mababang bilang ng mga batang nabakunahan nang kumpleto.
Maglalaan ang DOH-Region III ng Php500,000 para sa implementasyon ng programa para sa Talavera, kung saan gagamitin ito para sa technical assistance, governance, health promotion, social mobilization, at iba pang aktibidad na magpapalakas sa kampanya ng pagbabakuna.
Kabilang dito ang pagbabarangay para sa survey upang matukoy ang mga batang kulang sa bakuna, pagsasanay sa mga “bakuna champion” volunteers, at pakikipagtulungan sa mga opisyal ng barangay at mga magulang upang mahikayat ang komunidad na suportahan ang immunization program.
Ang mga batang mula 0 hanggang 12 buwang gulang ay kailangang makatanggap ng mga bakunang BCG, Penta 1-3, OPV 1-3, at Measles-Containing Vaccine 1-2 bago sila mag-13 buwang gulang upang maituring na fully immunized.
Sa kasalukuyan, nasa planning stage pa lamang ang programa kung saan magkatuwang ang Pamahaalang Panlalawigan, DOH-Region III at ang Pamahalaang Lokal ng Talavera, ngunit inaasahang sisimulan ito sa Hulyo 2025.
Kapag naging matagumpay ang implementasyon sa Talavera, planong isunod ang Cabanatuan City na isa rin sa may mababang FIC coverage.
Sa pamamagitan ng programang ito, inaasahang mas mapapalakas ang sistema ng pagbabakuna sa Nueva Ecija at masisiguro ang kalusugan ng mga bata sa lalawigan.

