Aabot sa Php60 hanggang Php240 ang naisasalba at natitipid ng mga Cabanatueño na araw-araw bumibili ng kilo-kilong bigas dahil sa Rice Distribution ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.
Papatak naman ng humigit kumulang Php1, 400 ang 25 kilos na bigas ayon kay Kagawad Avelino Dela Cruz ng Brgy. Polilio, Cabanatuan City, kaya ginhawa talagang maituturing ng kanyang mga kabarangay ang bigas mula sa Kapitolyo.
Napapapalakpak naman si Lola Nora Gamboa dahil nabunutan ito ng tinik dahil ilang araw na hindi na muna niya poproblemahin ang ipakakain sa kanyang mga apo
Katuwaan din ang ipinahayag ni Mang Manuel Tan dahil kahit hindi na pandemic ay hindi pa rin nakalilimot ang provincial government sa pag-abot sa kanilang mga nangangailangan.
Sa mensahe ni Vice Governor Anthony Umali ay ipinagmalaki nito na noong kasagsagan ng pandemya ay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa inisyatibo ni Governor Aurelio Umali, ang bukod tanging LGU na namahagi ng isang sakong bigas sa kanilang mga nasasakupan.
Kabilang sa mga barangay sa Lungsod ng Cabanatuan na nabahaginan ng tig iisang sako ng bigas pagpasok ng buwan ng February ang Pula, Sangitan West, Dalampang, Villa Ofelia, Polilio at Matadero.

