Nakatakdang tumanggap ng P1,000 buwanang social pension ang mga mahihirap na lolo at lola mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD simula sa Pebrero ngayong taon.

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Rommel Lopez, ang naturang pondo ay kalakip sa DSWD 2024 budget base sa Republic Act 11916 o Act Increasing the Social Pension of Indigent Senior Citizens.

Sa ilalim ng naturang batas, mula sa P500 ay magiging P1, 000 ang buwanang pension ng mga indigent senior citizens upang matulungan ang elderly sa epekto ng mataas na inflation sa bansa.

Nilinaw ni Lopez na sakop ng social pension ang mga pinakamahihirap na lolo at lola na mahihina, maysakit, may kapansanan, mga walang permanenting kita at regular na suporta mula sa kanilang pamilya o mga kamag-anak.

Hindi rin aniya kasali ang mga tumatanggap ng monthly pension mula sa Social Security System, Government Service Insurance System, Philippine Veterans Affairs Office, Armed Forces at Police Mutual Benefit Association, Inc. o sa kahit na anong private insurance company.

Base sa tala ng National Commission of Senior Citizens o NCSC, mahigit apat na milyon mula sa 12 million senior citizens lamang ang mabibiyayaan ng nabanggit na ayuda mula sa gobyerno. Ibig sabihin may 8 milyong senior ang hindi kasali sa naturang programa.

Kaugnay naman sa 20 percent discount, ipinahayag ni NCSC Chairman Atty. Franklin Quijano na mayroon na silang naitalang mahigit 5,000 reklamo simula nang maitatag ang komisyon kaya ito ngayon ang kanilang inaaksiyunan kasama ang Office of the Senior Citizens Affairs o OSCA.