PINAKAMATANDANG PANADERYA SA NUEVA ECIJA

Sa kabila ng modernisasyon sa industriya ng panaderya, nananatiling buhay ang tradisyon sa Shing Fong bakery, ang pinakamatandang panaderya sa Nueva Ecija, na matatagpuan sa Burgos Ave., Cabanatuan City.

Ang Shing Fong bakery ay itinayo noon pang 1915, na ngayon ay may 109 na taon ng nagbibigay ng serbisyo ng masarap na tinapay sa mga Novo Ecijano.

Sa ngayon pinamamahalaaan ito ni Ginoong Eduardo Sin at ayon sa kanya ang kanilang Shing Fong bakery ay ipinangalan sa kanyang lolo na syang nagpasimula at nagtayo nito.

Ayon kay Sin nagsimula ang Shing Fong bakery sa Rosales Pangasinan bago ito napunta sa Cabanatuan City.

Sa kabila ng tagal ng panahon mula ng ito ay nagbukas sa mga mamimili, hindi nagbabago ang pamamaraan ng paggawa nila ng tinapay dito, tradisyonal na pugon parin ang ginagamit sa pagluluto na itinuturing na isa sa mga sikreto sa kanilang tagumpay.

Ang kanilang pandesal ang pangunahing inaabangan ng mga mamimili, umaabot sa dalawampung bagkis nito ang nabebenta araw-araw at madalas ay nauubos ang kanilang paninda bago pa magsara ang tindahan.

Bukod sa pandesal, sikat din ang kanilang brownies, ensaymada at banana bread.

Para sa mga gustong makatikim ng kanilang tradisyonal na tinapay, bukas ang Shing Fong bakery mula 3:30 ng umaga hanggang 7 ng gabi araw-araw.

Ang Shing Fong bakery ay isa ng simbolo ng kasaysayan at tradisyon sa Nueva Ecija, sa loob ng mahigit isang siglo, ito’y nagpatuloy bilang tagapag dala ng lasa ng nakaraan sa kasalukuyan, sa bawat kagat ng kanilang tinapay, hatid nito ang kwento ng pagsisimula, sipag at dedikasyon, isang pamana na walang katulad.