PINOY IMMIGRANT SA CANADA, NANALO NG P4.64 BILYON SA LOTTO

Wagi ang isang Pilipinong immigrant sa Canada ng pinakamalaking solo jackpot sa Lotto Max sa kasaysayan ng bansang Canada.

Si Justin Simporios, 35-years-old, ay nanalo ng 80 million Canadian dollars o katumbas ng humigit-kumulang P4.64 billion.

Sa naging press conference ng British Columbia Lottery Corporation (BCLC) kay Simporios, sinabi nitong may dala lamang siyang 12 Canadian dollars nang pumasok sa isang Walmart sa Surrey, British Columbia para bumili sana ng tinapay at keso, ngunit sa halip, bumili siya ng Quick Pick Lotto Max ticket.

Kwento pa niya sa press conference, nang malamang sa Surrey nakuha ang panalong ticket, biro pa raw niya sa kanyang asawa na siya ang nanalo. Pero nang makita niya ang mga numero, kinabahan siya kaya in-scan niya ito sa Lotto app, at napasigaw na lamang siya sa tuwa nang malamang siya nga ang nagwagi.

Dahil sa pagkapanalo, nag-resign si Simporios bilang health and safety officer.

Matagal na umano siyang dumaranas ng hirap bilang isang full-time worker at ama, kaya naman ngayon ay nais na niyang makauwi, makasama, at makapaglaan ng maraming oras sa kanyang pamilya.

Pahayag niya, uunahin niyang tulungan ang kanyang pamilya, pagreretiruhin ang kanyang ina, tutulong sa komunidad, at susuportahan din ang pamilya ng kanyang asawa.

Plano rin niyang dalhin ang asawa at anak sa Pilipinas para sa kauna-unahang pagkakataon.

Bukod pa dito, nais din niyang i-check ang ilan sa kanyang personal bucket list, tulad na lamang ng live na panonood ng L.A. Lakers basketball game upang makita si Lebron James bago ito magretiro.