PINTOR SA QUEZON, NUEVA ECIJA, TUMULONG SA NASUNUGANG PAMILYA SA PAMAMAGITAN NG “PAINTINGS FOR A CAUSE”

Sa kabila ng hindi pagkakakilala nang personal, buong puso pa ring tinulungan ni Sarah Grace Del Rosario, isang pintor, ang pamilya ni Tatay Isagani Tara na nawalan ng tirahan at kabuhayan matapos masunog ang kanilang buong compound sa Quezon, Nueva Ecija.

Ayon kay Del Rosario, nalapnos ang kamay at likod ng asawa ni Tatay Isagani matapos subukang iligtas ang kanilang aso, maging ang kabuhayan ng pamilya na online selling ng Japan surplus ay tinupok ng apoy.

Bilang tugon, isinama niya ang pamilya ni Tatay Isagani bilang beneficiary ng kanyang “Paintings for a Cause”, isang inisyatiba na sinimulan niya noong 2020 at mas lumawak noong 2021.

Karaniwang mga batang may sakit ang tinutulungan niya, ngunit sa pagkakataong ito, pinili niyang maglaan ng limang painting slots para sa pamilya Tara.

Bawat painting ay nagkakahalaga ng ₱5,000 at 100% ng bayad ay diretso sa beneficiary.

Sa loob ng halos limang taon, nakalikom na si Del Rosario ng ₱4.3 milyon mula sa mahigit 700 paintings, na napunta sa iba’t ibang pasyente at pamilyang nangangailangan mula Luzon hanggang Mindanao.

Noong Hulyo hanggang Agosto ngayong taon, nakapag-raise siya ng halos ₱500,000 para sa iba’t ibang beneficiary, kabilang ang pamilya Tara.

Hindi lamang ito simpleng charity para kay Del Rosario, isa itong personal na panata dahil bilang ina ng dalawang “miracle babies” na parehong ipinanganak na premature, itinuturing niya ang bawat painting bilang pasasalamat sa biyayang natanggap.

Kahit noong siya ay buntis at naospital, ipinagpatuloy niya ang pagpipinta para sa mga natutulungan.

Sa ngayon, hindi lang lokal kundi buong bansa na ang sumusuporta sa kanyang adhikain.

Sa patuloy na pagdami ng kanyang naipipinta para sa kapwa, posible rin umanong maitala ito bilang world record para sa “largest number of donated artworks by a single individual,” na kasalukuyang hawak ng rekord na nasa 1,000 piraso.