Nakiisa ang mga kilalang artista na sina Roxanne Barcelo at Ejay Falcon sa selebrasyon ng Pista ng Tatlong Hari na ginanap sa lungsod ng Gapan, lalawigan ng Nueva Ecija , noong January 5, 2019.
Kabilang rin sa mga dumalo ay si dating senador Bong Revilla na nagbigay ng kanyang mainit na pagbati sa mga Gapanense.
Tampok sa pagsalubong sa nasabing kapistahan ay ang parada ng mga bandang musiko na naghatid naman ng masasayang tugtugin sa mga manunuod.
Nakisaya rin sa Fiesta ng Three Kings ang ilan sa mga nagagandahang kalahok sa prestihiyosong Pageant ng Queen Sofia Philippines 2019 na nagmula pa sa iba’t ibang lugar sa Luzon.
Ayon kay Edgar Pascual na siyang nag-organisa ng naturang kapistahan, taun taon nilang pinaghahandaan ang paggunita sa pista ng tatlong hari upang sariwain ang pagsilang ng Panginoong Hesus Kristo at mapagbuklud-buklod ang bawat mamamayan ng Gapan.
Ang taunang Fiesta ng Three Kings ay isang pinakamalalaking pagdiriwang para sa mga Katoliko sa Gapan na idinaraos tuwing ika-lima hanggang ika-anim na araw sa buwan ng Enero.
Pinaniniwalaan nila na ang mga Pantas ang siyang gumagabay at naglalapit sa bawat tao patungo sa Panginoong Hesus Kristo.
Isa sa mga tuwang-tuwa na nanuod at nakipagdiwang sa nasabing piyesta ay si Marina Domingo.
Aniya, lubos ang kaniyang pasasalamat sa patuloy na pagsuporta ng Pamahalaang Lokal sa mga ganitong natatanging kasiyahan. –Ulat ni Danira Gabriel

