PLACENTA O INUNAN NG BAGONG PANGANAK NA INA, NILUTO AT KINAIN
Aabot na sa million views ang content ng dalawampu’t apat na taong gulang na first time mom na si CrisAnya TV o Anya Aragon sa totoong buhay, dahil sa kanyang pagluto at pagkain sa sarili niyang placenta o inunan.
Sa kanyang video ay ipinakita ni Anya ang itsura ng kanyang inunan na inuwi niya sa kanilang bahay at sinabing hindi niya alam kung ito ay ililibing niya, itatapon o kakainin.
Ayon kay Anya, napanood nito na maraming benepisyong makukuha sa mga placenta at binibili din ito sa mga black market sa ibang bansa.
Ipinakita din ni Anya kung paano niya hinugasan at nilinis ang sarili niyang placenta at pagkatapos ay pinakuluan.
Sa isang panayam sa kanya, ikinuwento niya na ibinilin nito sa Doktor na itabi ang kanyang placenta kapag lumabas na, dahil sa paniniwalang malaki ang maitutulong ng pagkain nito para sa mabilis na panunumbalik ng kanyang lakas mula sa panganganak.
Bagaman suportado siya ng kanyang asawa sa gusto niyang gawin ay hindi naman daw hinihikayat ni Anya ang mga manunuod na gayahin siya ng mga ito dahil may kanya-kanya din aniyang take ng risk kung anuman ang maaaring maging resulta nito sa kanya.
Ayon sa Pinoy MD, ang placenta ay isang organ na tumutubo sa sinapupunan kapag nagbuntis ang babae, na nagsu-supply ng sustansiya at oxygen sa sanggol na nasa loob.
Base sa isang psychologist, ang pagkain ng sariling placenta ay isang paniniwalang patuloy na naipapasa sa mga henerasyon at dahil na rin sa malakas na impluwensya ng social media at karanasan ng ibang tao ay pinaniniwalaang totoo talaga ito.
Hindi naman daw ito dapat kinakain ayon naman sa mga eksperto bagaman mayaman ito sa protina at bitamina dahil wala pa itong scientific basis kaya hindi inirerekomenda ang pagkain nito.

